Thursday, February 3, 2011

Chap. 5

Noong unang gawin nito iyon sa isang kaeskwela niya noong High School na nagpalipad-hangin sa kanya , inakala niyang nagseselos lang ito dahil ang totoo ay may gusto ito sa kanya pero hindi lang masabi dahil kadalasan nga ay nag-iiringan sila. Nang panahon pa namang iyon, nabubulagan pa siya sa kaguwapuhan nito. Napapagaya rin siya sa mga kaedad niyang babae na nagkakagusto rito kaya tuwang-tuwa siya sa ipinapakitang iritasyon nito sa mga lalaking nagpapalipad-hangin  sa kanya.

Gumuho ang katuwaan at ilusyon niya na maaaring gusto rin siya nito kaya ito umaaktong ganoon nang pagtawanan siya nito at ipagkalat sa iba ang inamin niyang damdamin dito sa sulat na pinaghirapan niyang gawin. Sinabihan pa siya nito na hindi bagay rito ang isang hamak na Indio na tulad niya. Halos isumpa niya ito  noon. Pinagbalakan pa nga nila ni Fretzie na ipakulam ito.

Ilang buwan din niya itong hindi pinansin dahil sa insidenteng iyon. Iniwasan niya ito na parang tagapagpadala ito ng pinakamalalang virus. Nagkabati lang sila ng magdiwang ang Ina nito na wala palang alam sa sigalot nila.Hiniling ng ginang na magsayaw sila ni Gab at bilang pagbibigay rito ay pumayag siya. Ni hindi niya ito tinapunan ng tingin ng sumayaw sila, ngunit ito naman ay nagpupumilit na patawanin siya na sa huli ay napagtagumpayan nito.kaya naman kahit paano ay nabawasan na ang hinanakit niya rito.

Kahit nagkabati na sila ay hindi siya nito tinantanan ng panunudyo. Dapat daw pala ay sinamantala na nito ang pagkakagusto niya rito noon kung alam lang nitong magkakagusto rin ito sa kanya. Hindi na niya sineryoso ang mga ganoong biro nito dahil alam niyang parte na lang iyon ng pang-aasar nito sa kanya.

" Puwede ba, magbanda ka nalang, Saavedra. Huwag ka nang mag-artista."

kumunot ang noo nito. Pero kagyat ding napalis iyon. " At least, pang-artista ang kaguwapuhan ko, Hindi tulad ng Samuelo mo...... pangtribo!" pambubuska nito sa kanya.

" Hah! mas ikaw ang bagay sa tribo. At hindi siya si Samuelo -- siya si Sam."

" Sam-Sam... Pinasosyal mo pa,eh,'Samuelo' naman talaga 'yon! Itanong mo pa sa mga ka-tribo niya. At saka hindi ka ba maaawa sa magiging baby niyo? Baka paglabas ng baby niyo, idiretso ng nurse sa ihawan dahil napagkamalang uling." humahalakhak na sabi nito. Hindi nito alintana ang nakamamatay niyang tingin.

" kaysa naman mapagkamalang bampirang kinulang sa dugo't araw!" ganti niya. Bago pa man ito makahirit muli ay tinalikuran na niya ito.


Abala si Devin sa pag-e-edit ng article niya tungkol sa mga sikat na varsity players ng school nila sa loob ng maliit na silid na nagsisilbing opisina nila nang kumatok sa nakabukas na pinot si Sam. Isang oras pa lang nang huling makita niya ito.

" Hi, uli!" nakangiting bati ni Sam. dahil isa ito sa mga pinakasikat kundi man pinakasikat na varsity player ng School nila, kasama ito sa mga ipi-feature niya sa article niya. Sa katunayan ay katatapos lang ng interview niya rito.

" Nakalimutan ko pala 'yong libro ko." Itinuro nita ang makapal na librong nakapatong sa mesa niya.

" Ay, hindi ko napansin!" kung napansin man niya, ginamit na sana niya iyong dahilan para habulin ito sa nagmamadaling pag-alis nito kanina dahil huli na ito sa klase nito.

Lumapit ito at kinuha ang libro. " One-thirty na, nag-launch ka na ba?"

Gulat na napasulyap siya sa wristwatch niya. " Oo nga, kapag ganito kasing busy ako, hindi ko na namamalayan ang oras."

" Ibig sabihin, madalas kang nalilipasan ng gutom. Masama iyan, Baka magka-ulcer ka niyan. Halika, kain muna tayo. Mamaya mo na balikan iyang ginagawa mo."

Pigil ang Kilig na tumango siya at tumayo sa upuan .

" Sa Canteen na lang tayo kumain. Tiyak na maraming tao kina Aling Josie. Wala tayong mauupuan." aniya nang magyaya ito sa pamosong kainan ng mga estudyante sa kanilang eskwelahan.Malamang kasi ay naroon pa ang buong grupo ng The Hitzmakers. Tuwing ganoong oras kasi ang vacant period ng mga ito at kina Aling Josie ang kadalasang tambayan ng mga ito. Natitiyak niyang hindi siya tatantanan ng panunukso at pang-iinis ng mga ito sa pangunguna nina Nath at Gab dahil kasama niya si Sam.

Mula sa binubuksang plastic cover ng biniling banana cake ay nag-angat siya ng tingin dito. Bigla'y nakaramdam siya ng kaba lalo na nang bahagyang mamula ang buong mukha nito at magkamot sa sentido.

" Gusto sana kitang yayaing manood ng sine. Ang sabi mo, mahilig ka sa action movies, diba? may showing na bagong action movie ngayon sa bayan. Puwede ka ba?"

" Oo! Ah, Hindi!" namumulang nag-iwas siya ng tingin dito. Dapat ba siyang magpakipot? Hindi kaya isipin nitong atat na atat siyang makasama ito? Bahala na, Besides, kung nagawa niyang aminin kay Gab noon sa sulat ang walang ka kuwenta-kuwentang puppy crush niya rito, bakit hindi kay Sam? " Ang ibig kong sabihin, anong oras?" Tanong niya.

" Six. Ayos lang?"

" Okay lang."

" Susunduin kita sa inyo para maipagpaalam din kita."

" Ay, naku! huwag na. magkita nalang tayo sa bayan. Wala kasi bukas sa bahay si Tiya. Kilala ka naman nila kaya sigurado akong okay lang iyon." tanggi niya. Sa isip ay bumubuo ng palusot kat Tiya Amanda dahil natitiyak niya na tumataginting na ' Hindi' ang isasagot nito pag nalaman na manonood siya ng sine kasama ang isang lalaki. Isang malaking No-No kay Tiya Amanda ang pakikipagdate. Katwiran nito'y masyado pa siyang bata para sa mga ganoong bagay.

Naghihintay sa tapat ng sinehan si Devin habang bumibili ng ticket si Sam nang gulatin siya ng mga daliring biglang sumundot sa tagiliran niya.

" Hold uo 'to!"

Napapitlag siya. " Gab? Anong ginagawa mo rito? Bakit nandito ka?" gulat na tanong niya nang malingunan niya ito. Bigla siyang napatingin sa kinaroroonan ni Sam. kailangang mapaalis niya agad ito bago bumalik ang huli.

" Bakit? sa iyo na ba itong sinehan at ipina-ban mo na ako rito? Nasaan nga pala si Fretzie? Ang akal ko'y siya ang nagyayang manood kayo ng sine?" luminga-linga ito. May naglalarong kakaibang kislap sa mga mata nito. May gumuhit na pilyong ngiti sa mga labi nito nang dahan-dahang balingan nito ang direksyon kung nasaan si Sam. Base sa aksyon nito, kanina pa nito alam na naroon ang lalaki.

" Aha! huli! si Fretzie pala ang kasama ha?" humalikipkip ito at umarko ang mga kilay na tumingin sa kanya.

" Paano mo nalaman?" pinamaywangan niya ito. pakiramdam niya ay nag-init ang mukha niya sa inis at guilt. " Sinundan mo ako, 'no?" nanggigigil na akusa niya rito.

kaninang umalis siya ng bahay ay naroon ito at ang iba pang kabanda nito. Nag pra-practice ang mga ito ng umalis siya. kampante siyang hindi siya makikita nito o ni Nath nang aksidente sa Mall dahil abala ang mga ito sa bahay. Kaya naman hindi na siya nag-abalang maging alerto sa paligid niya.

" Kasi, halata kanina na may lakad ka. Dapat, hindi mo itinodo ang pag-aayos kung ayaw mong mabuking na makikipag-date ka. Hmm, I wonder, ano kaya ang ipapagawa ko sayo para hindi ito makarating sa kinauukulan?" Hinimas-himas nito ang baba habang kunwa'y nag-iisip. Lalong lumapad ang ngiti nito ng makitang palapit na si Sam sa kanila.

4 comments:

  1. wow finally may new chaps na been waiting for this for so long.. tnx :)

    napakapilyo ni gab! kalurkey! selos much talaga kc nag-effort pang sundan c devin sa sinehan.... haissst young love nga nmn...hehehe

    ReplyDelete
  2. sana may continuation na nice story pa nmn cya...

    ReplyDelete
  3. sana madugtungan po to! exciting ehh! :P

    ReplyDelete