Wednesday, February 2, 2011

CHAP. 4

“Aba’y hayan at atat na atat nang magnobyo gayong kabata-bata pa niya,” sagot ni Tiya Amanda sa tanong ni Gab.

“Malandi! Ikulong sa bartolina!” nang-aakusang sabi ni Nath. Nakaduro pa ito sa kanya.

“ Hindi! Sunugin siya ng buhay o kaya ay ipakain sa mga anay!” Prtotesta ni Gab.

Nanggigigil na dinampot niya ang mga nahiwang gulay at ipinagbabato niya ang mga iyon sa dalawa. Inambangan pa niya ng kutsilyo ang mga ito.

“ Devin, ibaba mo nga ‘yang kutsilyo.” Saway ni Tiya Amanda bago bumaling sa dalawa.” Tapos na ba ang practice n’yo?”

“ Hindi pa ho. Mas okay kasi kung nandoon si Devin para may inspirasyon ako,” ani Gab. Pilyo ang ngiti nito at base sa paraan ng palitan ng tingin nito at ni Nathan, hindi mahirap hulaan ang ibig sabihin ng senyasan ng mga ito. Balak na naman ng mga itong asarin siya.

“ Oo nga, lalo na noong tinugtog namin ‘yong “ who let the Dog’s out.”

Naghahalakhakang pinagbunggo ng mga ito ang mga nakakuyom na mga kamay. Aliw na aliw ang mga ito na pikunin siya. Umiisip pa siya ng pagganti sa mga ito ng tumunog ang cellphone niya.

Halos masubsob siya sa pagkuha niyon pero naunahan pa rin siya ni Nath.

“ Sam? Sandali lang ha, kausap pa ni Devin ang boyfrriend niyang si Gab.”

“ Nathaniel!” impit na tili niya. Hinablot niya rito ang cellphone, sabay hampas nang malakas sa braso nito. Pinakalma muna niya ang boses bago idinikit sa tainga ang cellphone. ”Hello, Sam? Pasensiya na ha, pinagtri-tripan na naman ako ni Nath.”

“Anong Sam? Si Fretzie ‘to bru!”

“ fretzie?” gulat na sabi niya.

Nagngisiang nag high-five sina Gab at Nath. Nanggigigil na pinukol niya ng mga tingin ang mga ito.

“Totoo ba ‘yong sinabi ni Nath? Boyfriend mo na raw si Gab? Ikaw ha, may hidden desire ka rin pala kay papa Gab. Deny ka pa ng deny diyan.” Tudyo nito sa kanya.

“Please lang, Fret, huwag ka nang dumagdag sa ipapalibing ko ng buhay bukas. Ba’t nga pala napatawag ka? Tungkol ba kay lola Inday?”  Pag-iiba niya ng usapan. Ang lola ng kaibigan nilang si kyra ang binaggit niya. Nasa ospital si Lola Inday dahil sa pagkakahulog nito sa hagdan.

“Hindi. Tungkol ito kay Sam. Break na sila ni Yennie bru! Kaninang hapon lang. naku, mala teleserye ang eksena. Star witness ako at ang buong canteen ng mag-wala si yennie!” imporma nito sa kanya.

“Totoo?” makasarili ang katuwaan niya pero sadyang hindi niya maitago sa tinig niya ang kasiyahan sa nalaman. Nang mapasulyap siya kay gab ay hindi naitago sa mga mata nito ang pagkaintriga. Iniwas niya ang tingin dito. Nasisiguro niyang hindi na naman siya nito tatantanan sa pangungulit pag nalaman nito kung ano ang ikinatutuwa niya.

“Tuluyan na yatang humulagpos ang katinuan ng malditang yennie na iyon. Aba’y pagbintangan ba naman si pinsan na may gusto kay Aling Josie! Hayun, humulagpos na rin ang pasensiya ni Sam sa kanya at sinagot siyang nasisiraan na raw ba siya ng bait at pati iyong pobreng matanda’y aawayin niya dahil sa selos niya.”

Matagal ng balita sa School nila ang pagkakaroon ng kaunting problema sa pag-iisip ni Yennie. Bunga na rin marahil ng trahedyang nangyari sa pamilya nito noong bata palang ito. Kaya naman labis ang pagtataka nilang lahat ng ligawan ito ni Sam.

Ayon kay Fretzie, ang buong akala raw kasi ni Sam ay pulos paninira lang kay Yennie ang pakay ng mga taong nagsasabi rito na may sayad ang babae. Sa tingin niya, dala na rin marahil ng knight-in-shinning-armor syndrome ni Sam kaya naakit ito kay yennie.
Iniisip siguro ni Sam na kawawa ang babae dahil halos wala itong kaibigan sa loob at labas ng kanilang eskwelahan. Hindi nito mapaniwalaang kaya walang kumakaibigan kay Yennie ay dahil nadala na ang marami sa kadalasan ay walang pinagmumulang pang-aaway nito sa mga tanong nakapaligid dito.

Pero kung tama ang sinasabi ni Fretzie, mukhang natigil na ang pagkahumaling ni Sam sa babae at ngayon at nabuksan na ang isip nito sa tunay na ugali at katauhan ni Yennie.

Dapat ba niyang samantalahin iyon tulad ng inuudyok sa kanya ng kaibigan?


" PAPATAYIN kita Gabriel Saavedra!" galit na galit na sabi ni Devin. Dahil sa labis na takot ay nabuo niya ang pangalan nito. Mistula siyang tarsier na nakakapit sa puno sa higpit ng pagkakayakap niya sa likod ni Gab habang binabagtas nila lulan ng motorsiklo nito ang kahabaan ng main road ng San Sebastian.

Galing sila sa Ospital. Nagbantay  sila kay lola Inday para naman makapag pahinga si Kyra. kasama nila si Fretzie. Sa tagal nila sa Ospital, ang tungkol sa hiwalayan nina Yennie at Sam ang pinag-usapan nilang mag-kaibigan. Dahil sa narinig niya mula kay fretzie na malabong magkabalikan pa ang dalawa, kahit anong pang-aasar ni Gab sa kanya nang makalabas sila ng Ospital ay balewala lang sa kanya. Mas abala ang puso niya sa pagsisirko sa katuwaan kaysa patulan ang pang-iinis nito. Pero dahil sa bilis ng pag papatakbo nito ay napilitan siyang bigyang-pansin ito. Balak yata nitong bumalik sila sa Ospital na kapwa naka-stretcher dahil sa bilis ng patakbo nito.

" Mabagal naman tayo ah. Ang mabilis iyong ganito!" malakas na sabi nito bago lalong binilisan ang pagpapatakbo sa motorsiklo. Wari niya ay mapupunit na ang damit niya sa lakas ng hampas ng hangin sa katawan niya.

" Gabriel!" tumili siya nang ipatagilid pa nito ang motorsiklo pagliko nila sa intersection sa kalye nila. Halos bumaon na ang mga daliri niya sa tiyan nito dahil sa higpit ng pagkakakapit niya rito.

" Sabi na nga ba, may HD ka sa akin. Puwede ka nang bumitiw, nandito na tayo." tudyo nitong nilingon siya. " Hey, okay ka lang ba? buhay ka pa, don't worry. Hindi ko kasing guwapo si San Pedro." Masuyong hinaplos nito ang namumutlang pisngi niya. May pag-aalala sa mga mata nito bagaman pabiro ang tono nito.

Noon lang tumagos sa isip niya na tumigil na sila at nasa tapat na sila ng bahay niya. Galit na pinalis niya ang kamay nito. " Iyon na ang pinakaestupidong bagay na nagawa mo, Saavedra! Paano kung nabunggo tayo o sumemplang at nakaladlad ng motor mo? buti sana kung ikaw lang ang mapapahamak. Ang kaso, kasama mo pa ako!" nanggagalaiting lintanya niya rito.

" Whew! For a while, akala ko'y tinangay na ng hangin ang katarayan mo." Kunwa'y nagpahid ito ng pawis sa noo.

" Wala ka talagang isip! Lulumpuhin mo pa ako dahil diyan sa kairesponsablehan mo!"

" Don't worry, devin. Kapag nabaldado ka, eh, di aalagaan kita. Ikukuha pa kita ng sampung private nurse. May taga suklay ka at tagasubo ng pagkain. Pero 'yong pagbibihis at paliligo mo, sagot ko na ----"

" Ewan ko sayo!" Tinalikuran na niya ito bago pa siya masiraan ng bait at mahawa rito.

" Did I really scare you, Devin?

Napahinto siya sa biglang pagseseryoso ng tinig nito.

" Sorry. Ikaw naman kasi, narinig mo lang na available na uli 'yong Samuelo na 'yon, daig mo pa ang nanalo ng jackpot sa lotto. Can you blame me if I felt a little hurt and jealous? Ni hindi mo na nga naalalang kasama mo pa ako. Para akong estatwa na hindi niyo man lang kinakausap ni Fretzie. Puro kayo Samuel-Samuel." Hayag sa tono at kunot na kunot na noo nito ang pagtatampo at kaunting galit.

Napakurap-kurap siya. Totoo ba ang pinagsasabi nito at ang damdaming nababasa niya sa ekspresyon nito? O may punch line na namang naghihintay sa dulo ng drama nito? Hindi kasi iyon ang unang beses na humirit ito ng ganoon mula nang matuklasan nito--- salamat sa madaldal niyang kuya ---- ang lihim na pagtingin niya kay Sam.

Lagi naman kasi itong ganoon. tuwing malalaman nito na may crush siya, sinisiraan nito o kaya ay ikinokompara sa sarili nito. Humanap daw siya ng lalaking kung hindi man kapantay nito at ni Nath ay iyong nakakahigit pa daw sa mga ito kung ayaw niyang malait ng mga ito.

1 comment:

  1. SANA MAY NEXT CHAPTER NA! GAB AND DEVIN GO!

    I SO LOOOOOVE JAEVON!

    F- FOREVER!

    ReplyDelete